Kahapon ay walang pasok dahil sa National­ Heroes­ Day. Ito ang araw kung kelan ginugunita­ natin­ ang ating mga bayani. Kapag bayani ang ­napapag-usapan, ang tinutukoy kadalasan ay ang mga patay na bayani. Pero para sa akin, mas marapat na bigyan ng atensyon ang mga buhay na bayani.

Isa sa mga buhay na bayani ay itong si Noel ­Villapando at mga kasamahan niya sa Suzuki ­Philippines na sina Mike Mabagos at Henry Legaspi.­ Kahit pa holiday, at kahit pa kakamatay lang ng kapatid­ na panganay ni Noel, nagpunta­ pa rin sila sa lugar namin sa Canlubang, Laguna kahapon para magbigay ng Safety Riding Seminar.

Bayani para sa akin sina Noel dahil naliligtas­ nila ang buhay ng mga tinuturuan nila. Mga tatay,­ nanay, at anak ang nakinig sa kanila kahapon,­ at mula sa pagtuturo nila ay nalaman ng mga kabarangay­ namin­ ang kahalagahan ng ­pagsusuot ng tamang helmet at iba pang protective gears, ­pagsunod sa batas trapiko, pag-inspeksyon sa motor­ bago sumakay, at pag-iwas sa mga ­kadalasang ­sanhi ng aksidente sa motorsiklo.

Kakulangan sa kaalaman ang madalas na dahilan ng aksidente. At sa pakikinig kina Noel, maraming bagong natutunan ang mga kapitbahay namin para makaiwas sa disgrasya.

Advocacy ng Suzuki Philippines ang Safety Riding.­ Sa mga nagdaang administrasyon ay nagkaroon­ ito ng libreng Learn To Ride program sa Land Transportation Office. Hindi lang nga na-renew­ ang kontrata nila noong si Alfonso Tan na ang hepe ng LTO. Ngayon, sa panahon ni LTO Chief Edgar­ Galvante, nais ng Suzuki na muling magbigay ng libreng pag-aaral para sa mga nagmomotor.

Sana ay magkaroon muli sina Noel at ang Suzuki­ Philippines ng pagkakataon na patuloy na maging buhay na bayani sa pamamagitan ng pagtuturo ng Safety Riding. Napakaraming buhay ang puwedeng maisalba kung matuturuan lamang ng tamang pagmomotor ang mga kababayan natin.

Nagpapasalamat po ako kay Gentle Castillo ng Suzuki Philippines para sa pagko-coordinate ng aming request para sa Safety Riding Seminar sa aming lugar. Sa uulitin po!

* * * *

Nagalit daw nang husto si Pangulong Rody Duterte nang may dumaan na maingay na motor sa pinuntahan niyang burol sa Antipolo kamakailan. At dahil dito, nag-utos siya na hulihin ng LTO ang mga motorsiklong maingay ang tambutso.

Magsilbing warning nawa ito sa lahat na alisin na ang mga open pipe at gawing tahimik ang kanilang mga motor. Sa simpleng kayabangan, baka mabigat na parusa ang inyong kahantungan.

Tandaan po natin: Ang mayabang magmotorsiklo, perwisyo sa ibang tao!

Email: junep.ocampo@gmail.com