Buhay sa ‘new normal’

Naging bukambibig na ng mga Pinoy ang katagang ‘Change is coming!’ nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Figuratively and literally speaking, mukhang nagkatotoo ang sinasabing pagbabago. Sa isang iglap, ‘change has come’.

Tunay ngang binago ng COVID-19 pandemic ang pamumuhay ng buong mundo kabilang na tayong mga Pilipino. Marami sa atin ang nawalan ng trabaho at tumamlay ang negosyo. May mga estudyante ring naninibago sa online class. Karamihan sa atin ngayon, nakatengga lang sa bahay.

Ang tanong ng marami, kailan kaya babalik sa normal ang lahat?

Si Pangulong Duterte na mismo ang nagsabi na hangga’t wala pang vaccine para sa COVID-19, hindi raw maibabalik sa dati ang pamumuhay natin.

Buti na lang, may tine-test nang gamot ang Department of Health. Isa na riyan ang Remdesivir, anti-malarial drug Chloroquine o Hydroxychloroquine, at pinaghalong Lopinavir at Ritonavir na kadalasang pinanggagamot sa HIV.

Mayroon ding alternative medicines na pinag-aaralan ngayon tulad ng traditional Chinese medicines at herbal medicines gaya ng tawa-tawa at virgin coconut oil.

Hanggang ngayon, wala pang naaaprubahan na COVID-19 vaccine ang World Health Organization kaya wala tayong magagawa kundi ang maghintay.

Mas mainam pa ring panlaban sa anumang sakit hindi lang sa nakamamatay na virus ang proper hygiene. Ugaliing maghugas ng mga kamay. Kung lalabas, magsuot ng facemask. Huwag din kalimutang magdala ng tissue o panyo para may magagamit kung babahing. Sundin ang social distancing at umiwas sa mga matataong lugar.

Isa lang ang ibig sabihin nito, masanay na tayong mamuhay sa ‘new normal’.

Dasal ng bawat isa, matapos na ang pandemyang ito para balik-normal na ang ating pamumuhay kung saan hindi tayo sumusuong sa giyerang hindi nakikita ang kalaban. (with reports from Jaybee Santiago)