Buhay siningil sa resbak ng lover

Gun

Isang pedicab driver ang napatay nang patraydor na barilin sa ulo ng asawa ng babaeng kanyang kaalitan habang bumibili sa isang tindahan, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Basil Gelito, 52, at residente ng 10 Carlos P. Garcia Street, sa Tondo.

Tumakas naman ang suspek na si Ali Tostanilla, alyas ‘Tata,’ tinatayang nasa 40 hanggang 50-anyos, at residente rin ng Carlos P. Garcia Street.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jeffrey Laus ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa Camachile Street, kanto ng Carlos P. Garcia Street sa Tondo.

May binibili lamang umano sa isang sari-sari store sa lugar si Gelito nang lapitan ng suspek at patraydor na binaril sa ulo bago mabilis na tumakas bitbit ang armas na ginamit sa krimen.

Nakita naman ni Rose Mary Dino, 35, ang sinapit ng kinakasama kaya kaagad itong isinugod sa pagamutan pero binawian rin ng buhay dakong alas-8:08 ng gabi.

Tinitingnang motibo sa pagpaslang sa biktima ang matagal ng alitan nito at kinakasama ng suspek.