Buhos ang suporta

Nakakagulat ang inasta ng tinatayang 200 mga opisyales daw ng ilang barangay mula sa Maynila at Quezon City na sumugod sa harapan ng tanggapan ng Senado upang ipakita ang kanilang suporta sa pina­igting na kampanya ng gobyerno sa ilalim ng Oplan Tokhang sa pa­ngunguna ng Philippine National Police (PNP) laban sa iligal na droga.

May bitbit na mga placards na may nakasulat na “Kaisa niyo po kami Gen. Bato sa paglaban sa illegal na droga”; “Krimen sa aming Brgy ay bumaba dahil kay Digong at Bato”; “Kill the Pusher save the User”, Go, go Bato, Ang mga Kapitan ng Barangay ng QC ay sumusuporta sa inyo, at marami pang iba.

Maliban sa bitbit na mga placards ay walang humpay din ang pagsigaw ng mga raliyista ng mga katagang “Para sa mga pusher, patay pa more!” at “Go Go Bato!”

Ibang lebel na nga yata ang pagtingin ng taumbayan sa gobyerno partikular sa PNP dahil sa kabila ng sangkatutak na batikos na ina­abot dahil sa sinasabing kawalan ng due process na nauuwi sa pang-aagaw ng armas kaya tumitimbuwang ang mga inaarestong sangkot sa iligal na droga ay umaani ito ng suporta sa publiko.

Sabagay nga naman kung nagreresulta ito ng maayos at matahimik na komunidad bakit ka aayaw.

Katulad na lamang ng tinuran ni Ricky Corpus, national secretary ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas at presidente ng Liga ng mga Barangay sa Quezon City na nagsabing simula nang ipatupad ang mas pinaigting na kampanya kontra iligal na droga ay mas nakampante sila at nakaramdam ng kapayapaan at katahimikan sa kanilang lugar.

Sa pamamagitan din ng aksyon ng gobyerno ay ang mga adik at pusher sa kusa nang sumusuko sa mga barangay at humihiling na tulungan silang magbagong-buhay na napakapositibo para sa ating mga komunidad dahil mababawasan na ang pangamba sa kaligtasan ng ating sarili at mga mahal sa buhay sa kamay ng mga gumagamit ng iligal na droga.

Kaya huwag na tayong magtaka kung mas marami ang sumuporta sa mga ginagawa ngayon ng PNP sa kabila ng hindi pa rin maawat na pagtumba ng mga sangkot sa iligal na droga dahil mas marami ang naghahangad na magkaroon ng isang “drug free barangays” sa buong bansa.