Builder in good faith

Dear Atty. Claire,

May inupahan po ako na isang maliit na bahay sa halagang P5,000. Pinaayos ko po dahil sira-sira ito at ginawan ko po ng maliit na tindahan. Ako po lahat ang gumastos sa pagpapaayos ko at hindi naman binawas sa upa ko.

Nakakaanim na buwan pa lamang ako at gusto na ako paalisin nang walang dahilan. Tinatanong ko po kung bakit ngunit ang sabi lang niya ay gagamitin na niya `yung lugar. Sabi ko bayaran nila nagastos ko at aalis ako pero ang sabi ay hindi nila babayaran at wala rin daw kaming puwedeng baklasin doon.

Feeling ko ay naloko kami ng may-ari ng bahay. Ano po ang gagawin ko? Wala po kaming kasulatan sa upa pero may mga papel siyang pinirmahan tungkol sa aking binayarang advance at monthly rentals. Ngayon po ay nabalitaan ko na gusto raw niya `yung tindahan ko at siya na raw ang maglalagay ng paninda doon. Hintayin ko po ang sagot ninyo.
Gumagalang,
Eveliza

Dear Eveliza,
Sa aking palagay ay mukhang naloko ka nga dahil lumalabas na nagkainteres siya sa naging negosyo mo.

Sa iyong kuwento ay wala kayong naging kasulatan maliban sa mga ebidensiya na ikaw ay nagbayad ng advance o deposit at ng monthly rentals. Iyon ay patunay na mayroon kayong kasunduan sa upahan.

Dahil sa wala kayong kasunduan kung sino ang magmamay-ari ng lahat ng useful improvements na iyong ginawa ay may karapatan kang maningil ng kalahati ng value ng nagastos mo.

Ayon sa Art. 1678 ng Civil Code, maituturing kang builder in good faith; at bilang umuupa ay makakakuha ka ng halagang katumbas sa kalahati (1/2) ng iyong mga nagastos kung gugustuhin niyang ariing pansarili ang mga useful improvement na pinagawa mo.

Kung ayaw naman niyang bayaran ang kalahati sa mga nagastos mo ay maaari mong ipatanggal ang lahat ng mga materyales na ikinabit o inilagay mo sa nasabing bahay kahit na ang parte ng bahay ay magkaroon ng sira dahil sa pagbaklas o pagtanggal.

Kung ang mga ginawa mo naman ay ornamental improvements lamang o para mapaganda lamang ang bahay at hindi naman ganoon kahalaga sa paggamit ng isang bahay tulad ng paglalagay ng garden, mga bird cage, atbp. ay wala kang karapatan na maningil ng halaga katumbas ng 1/2 ng value ng nagastos mo ngunit maaari mo itong tanggalin sa kondisyon na hindi ka makakasira sa anumang parte ng bahay na iyong inupahan.
Pumunta ka sa barangay kung kayo man ay magkabarangay o magkalungsod para sa isang barangay conciliation.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.