Isang 49-anyos na tricycle driver na wanted sa kasong carnapping at estafa ang nadakip makaraang salakayin ng Technical Support Platoon ng Bulacan Provincial Public Safety Company (PPSC) ang kanyang hide-out sa San Ildefonso, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ni P/Supt. Charlie Candelario, Company Commander ng Bulacan PPSC ang naarestong si Wolfrado Samson y Florez, 49, may asawa at residente ng Brgy. Lapnit, San Ildefonso na nakadetine nga­yon matapos ang sampung taong pagtatago.

Dakong alas-4:15 ng hapon nang salakayin ang hide-out ni Samson bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Victoria Villalon-Portillos ng branch 11 ng Malolos RTC.