Bulacan drug ops pinuri ni Albayalde

Asahang lalong magsisilbing moral booster para sa mga opisyal ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) ang papuring tinanggap mula kay PNP chief Director General Oscar Albayalde dahil sa matagumpay na pagkakapatay sa 13 na tulak ng droga sa 24-hour province-wide simultaneous police operations noong Biyernes.

Base sa impormasyong nakalap sa tanggapan ni P/Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., Bulacan police provincial director, higit pa nilang palalakasin ang kanilang mga drug raid sa probinsya sa susunod na mga araw at nananatili ang kanilang target na maging drug-free pro­vince ang Bulacan bago sumapit ang panahon ng Kapaskuhan.

Nabatid na hindi matatawaran ang kakayahan ng Bulacan-PNP kung kampanya sa drugs ang pag-uusapan dahil sila ang may hawak ng record na 32 sangkot sa droga na napatay sa loob lamang ng magdamag at hindi inaalis ang posibilidad na maa­aring malagpasan pa ito ngayon sa panunungkulan ng bagong talagang PNP chief.

Muling uminit ang pagbaha ng dugo ng mga tulak ng droga noong Biyernes ng madaling-araw sa Bulacan dahil sa pagkakapatay sa 13 tulak ng shabu at pagkakadakip ng 91 iba pa sa 71 anti-drugs operation ng Bulacan-PPO kabilang ang 62 buy-bust, dala­wang police checkpoints, 4 police responses, 3 search warrant at isang paghahain ng warrant of arrest.

Kasamang nadakip ang aktor na si Julio Diaz at isa pang kasamahan nito.

Umabot din sa 305 plastic sachet ng shabu at 26 pakete ng damo na may halagang P710,000 ang nakumpiska ng awtoridad bukod pa sa 16 kalibre ng baril at granada sa mas pinatinding operasyon sa droga ng mga kapulisan sa Bulacan kaya ikinagalak ito ni Albayalde.

“Bulacan is a very big province and the police commander there is really hard-working and always conducting operations. There’s no letting up in this campaign, especially in that province where almost all barangays are affected by illegal drugs,” sabi pa ni Albayalde. (Jun Borlongan)