Bulacan market master inasinta sa ulo

Patay ang market master ng isang pribadong palengke makaraang barilin sa ulo ng isa sa dalawang hindi kilalang riding-in-tandem na armado ng maigsing baril habang ang biktima ay nasa tapat ng comfort room ng pamilihan sakop ng Brgy. Wawa, Balagtas, Bulacan kahapon ng umaga.

Nakilala ang biktimang si Rey Rebutoc, market master ng Fortune Market na matatagpuan sa McArthur Highway, Brgy. Wawa, Balagtas at nakatira din sa nasabing bayan na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan bunga ng isang tama ng bala sa ulo.

Sinasabing pasado alas-otso ng umaga ginagampanan ng biktimang market master ang kanyang daily routine sa Fortune Market sakop ng Brgy. Wawa at patungo sa comfort room nang lingid sa kanyang kaalaman ay nakaabang na ang gunman at nang makakuha ng tiyempo ay binaril nito ang kanyang pakay.

Hindi kinuha ng suspek ang alahas at pera ng biktima at umalis ito sa lugar saka sumakay sa motorsiklo ng nakaabang niyang kasamahan.

Blangko naman ang awtoridad sa motibo ng pamamaslang dahil lumilitaw na walang atraso ang biktima pero hindi inaalis na may kinalaman sa kanyang posisyon bilang market master ang isang anggulo ng pamamaril.