Bulacan nagtalaga ng quarantine facility

Nagtalaga na ang lalawigan ng Bulacan ng karagdagang pasilidad upang makatulong sa pagsugpo ng coronavirus disease 2019 pandemic.

Maliban sa bagong gusali ng Bulacan Medical Center na itinalagang Panlalawigang COVID-19 na ospital at kayang tumanggap ng 50 pasyente kada palapag, ang MAB Building sa Brgy. San Pablo sa lungsod na ito na may kapasidad na 54 pasyente ay magiging karagdagang pasilidad para sa COVID-19.

Gayundin, ang gusali ng College of Science and Psychology ng Bulacan State University-Main Campus ay maaaring tumanggap ng hanggang 100 pasyente matapos itong maaprubahan ng Department of Health.

Samantala, nakapag-admit na ng anim na pasyenteng may kaugnayan sa COVID ang PGB Governance Center; apat sa kanila ang nakalabas na makaraang matapos ang kanilang 14 na araw na quarantine period.

Maliban sa mga quarantine facilities, gumagana na ang isolation units ng BMC, Baliwag District Hospital, Calumpit District Hospital, Emilio G. Perez District Hospital, Gregorio del Pilar District Hospital, Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital, San Miguel District Hospital at bagong gawang BMC Emergency Quarantine Facility sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Bukod sa BMC Emergency Quarantine Facility na maaari lamang tumanggap ng suspect patients na may banayad na sintomas, maaaring tumanggap ang lahat ng isolation units ng BMC at Provincial COVID-19 Center ng mga pasyenteng positibo sa COVID, probable at suspect na pasyente na may katamtaman, malubha at kritikal na kondisyon.

Siniguro ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo na doble sipag ang Pamahalaang Panlalawigan upang mapabilis ang pagsasaayos ng mga pasilidad ng COVID sa lalawigan.

“Hindi lamang po ang ating pasilidad ang ating inihahanda. Maging ang ating mga health workers na magmumula pa sa iba’t ibang public hospitals sa lalawigan na silang gaganap sa ma-bayaning pag-aalaga sa ating mga pasyente ay sasailalim sa mga angkop na pagsasanay upang lubos na matugunan ang pagsubok na kinakaharap natin sa panahong ito,” anang gobernador. (Jun Borlongan)