Isang pusher ang napatay habang isang tricycle driver ang sugatan nang tamaan ng ligaw na bala makaraang ratratin ng riding-in-tandem sa tapat ng gasolinahan sa Baliuag, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Raul Tapang, residente ng Barangay San Jose, Baliuag na nasawi sa limang tama ng bala at iniwanan ng plakard na “huwag tularan dahil tulak ito” habang hindi pinangalanan ang sugatang drayber.

Narekober ng mga awtoridad ang mga basyo ng bala ng caliber .45 pistol sa lugar ng pamamaslang bukod pa sa motorsiklo ng biktima at ilang personal na kagamitan habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing kaso.