Isang manhunt operation ang isinasagawa ngayon laban sa incumbent vice mayor ng bayan ng Angat, Bulacan na nasasangkot sa kasong kidnap-for-ransom (KFR) makaraang marekober sa kanyang tinitirahan ang dalawang baril at granada nang salakayin ng awtoridad na armado ng search warrant ang kanyang bahay sa Brgy. Binagbag, Angat, Bulacan kamakalawa ng madaling-araw.
Kumpirmadong pansamantalang nagtago para sa kanyang kaligtasan si Vice Mayor Gilberto Santos, dati na ring nanungkulang municipal mayor ng Angat, Bulacan, na nahaharap sa kasong kidnapping at nakatakda pang madagdagan ng kasong illegal possession of firearms, ammunition at explosive dahil sa nakumpiskang dalawang kalibre .45 pistol, mga bala at isang baril sa kanyang tinitirahan.
Nabatid na sinalakay ng Philippine National Police (PNP)-Anti-Kidnapping Group (AKG) ang tinitirahan ni Santos sa bayan ng Angat, Bulacan noong Martes ng madaling-araw ngunit hindi nila inabutan ang opisyal. Gayunma’y narekober sa kanyang compound ang dalawang baril, bala at granada at itinuturo itong lider at financier ng isang sindikato ng KFR.
Itinuturo si Santos na sangkot sa pagdukot noong Disyembre sa negosyanteng si Raziel Bungay, at sa isinagawang operasyon ng pulis laban sa mga kidnapper ay nagkaroon ng engkuwentro na ikinasawi ng apat na kidnapper ngunit nasawi rin si Police Supt. Arthur Masungsong ng AKG Luzon Field Unit.