BULAGA! 3 PULIS nahuling tulog sa duty

Tatlo na namang tauhan ng Las Piñas City Police ang naabutang natutulog ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, PMGEN Guillermo Eleazar sa surprised inspection sa nasabing lungsod at sa Muntinlupa City kahapon nang madaling-araw.

Aktong nadatnan ni Eleazar na natutulog sina PCpl Eugine Ybasco at Jayson Monsales, kapwa Mobile Patrol Officer at nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 3 Barangay Zapote, Las Piñas City, sa ilalim ng commander ng presinto na si PMAJ Joel Gomez.

Sa ulat na inilabas ng Southern Police District (SPD), ay nakitang naka-standby ang mobile ng Police Assistance Desk (PAD) nina PCpl Ybasco at Monsales, sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road, Brgy. Pamplona Dos sa Las Piñas City.

Namataan din ni Eleazar sa kasunod nitong pag-inspeksiyon sa karatig na presinto ang isang duty desk officer ng PCP 2 na natutulog sa kanyang upuan. Nang lapitan at gulatin ni Eleazar ay muntik pang bumunot ng kanyang service firearm matapos maalimpungatan si PSSg Danny Cerbito.

Ang PCP 2 ay pinamumunuan naman ni PLT Edgardo Orongan.

Sinabi ng opisyal na layunin ng nasabing sorpresang inspeksiyon ay upang matiyak na tapat sa serbisyo at tumatalima ang mga pulis sa kanilang tungkulin sa 24-oras.

Agad namang dinis-armahan ni Eleazar ang mga nahuling natutulog na tatlong pulis habang sinisermunan ang mga ito.

Tiniyak din ng NCRPO chief na kakasuhan ng administratibo ang tatlong pulis at paiimbestigahan ang mga ito dahil sa kapabayaan o ‘Neglect of Duty.’

Kasabay nito’y iniutos ni Eleazar sa tatlong pulis na mag-report sa kanya kasama ang kanilang mga hepe.

Magugunitang kamakailan ay apat ding pulis Las Piñas ang aktong nahuling nag-iinuman sa mismong PAD na matatagpuan sa Petron Gasoline Station, Alabang-Zapote Road, Brgy. Talon 1 nang nasabing lungsod.

(Armida Rico)