Bulakenya na-rape sa paghahanap ng signal

Nang dahil sa paghahanap ng signal ng cellphone, isang 18-anyos na dalaga ang na-rape matapos itong hatakin papasok sa tirahan ng kanyang kapitbahay sa Barangay Sto. Cristo, Angat, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Chief Insp. Isagani Santos, Angat Police chief, ang suspek na si Alex Santiago y Rocha alyas ‘Jude,’ 22-anyos, helper, taga-Barangay Sto. Cristo ng nasabing bayan na nakakulong ngayon matapos ireklamo ng panggagahasa ng biktimang itinago sa pangalang ‘Alice,’ 18, nakatira sa naturang lugar.

Alas-10:00 ng gabi nitong Biyernes nang maganap ang insidente makaraang lumabas ng bahay si Alice at naghanap ng signal, ngunit ­bigla siyang hinablot at puwersahang ipinasok ng suspek sa loob ng kanyang apartment.

Dito na ginahasa ng suspek ang dalaga at nang makaraos ay ikinandado ang pinto upang hindi makalabas ang biktima ngunit sa pagpupumilit ng dalaga ay nagawa nitong makatakas at magsumbong sa ina na agad nagreklamo sa barangay officials.

Kaagad namang nadakip ang suspek na si Santiago ng mga barangay tanod bago ito inilipat sa kustodiya ng pulisya at nahaharap ngayon sa kasong rape habang nakatakdang ipasuri sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office (PCLO) ang biktima.