Bulalo, Tagaytay trip bonus ni Digong sa pulis sa Marawi

pulis

Pamamasyal sa theme park o kumain na lamang ng bulalo sa Tagaytay ang bonus­ ni Pangu­long Rodrigo Duterte para sa mga pulis­ na sumabak din sa giyera sa Marawi City.

Ito ang tinuran kahapon ni Philippine National Police (PNP) Director General Ronald­ ‘Bato’ dela Rosa sa mga pulis na sumabak sa limang buwang giyera sa Marawi sakaling hind­i kasama ang mga ito sa ipinangako ni Pangulon­g Rodrigo Duterte na Hong Kong trip sa mga sundalong babae.

Sa isang press briefing­, aminado si Dela Rosa na nabibigyan ngayon ng pansin ang mga sundalo pero malaki ang kumpiyansa nito na alam din ng militar ang naging bahagi­ at sakripisyo ng PNP-Special Action Force para mapalaya ang Marawi sa mga terorista.

Pero iginiit ni Dela Rosa na hindi naman siya umaasa o ipagpipi­litan sa Pangulo na isama ang mga pulis sa Hong Kong dahil sarili niyang gastos iyon.

Tiniyak nama­n ni Dela Rosa na mabibigyan­ ng pagkilala ang mga SAF trooper na lumaban sa Marawi na inaasahang darating sa Maynila sa Miyerkoles.

Batay sa datos, pitong pulis ang napatay sa Marawi habang 61 ang nasugatan sa giyera.