Isinailalim na sa state of calamity bunsod ng mga landslide at flashflood ang bayan ng Bulan sa Sorsogon dulot ng bagyong Usman.

Dalawa ang kumpirmadong nasawi mula sa mga nasalantang barangay kasama ang Quirino, Cadandanan, Calpi, Palale at San Juan Daan gayundin sa mga sitio ng Liman, R. Gerona, Taromata at Calomagon.

Isa sa mga nasawing biktima si Jaime Moriko, 71-anyos, na nasawi dahil sa hypothermia.

Umaabot sa 2,285 katao o 852 pamilya ang ­inilikas sa mga evacuation center.
Samantala, dalawa pang katao ang sinasabing nasawi habang apat ang nawawala sa landslide na nangyari sa Barangay Osiao, Sorsogon noong Sabado.

Kinilala ang dalawang biktima na sina Gilbert Denusia at Gerald Despabiladeras. Nawawala ­naman sina Dominador Esquivel, Leonel Diaz, Magno Diaz at Franklin Olavere.