Napahulagpos ng Valencia City Bukidnon-SSCR ang double-digit lead sa fourth quarter, pero nakarekober sa overtime para ipagpag ang Marinerong Pilipino 110-104 sa pagbubukas ng kampanya sa 2019 PBA D-League nitong Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Pasabog si Allyn Bulanadi ng game-high 32 points, 12 dito sa 28-point third quarter ng Golden Harvest. May apat pa siya sa extra period para selyuhan ang panalo.

May sahog pang 9 rebounds, 3 blocks at 2 assists si Bulanadi, ang bagong go-to guy ng San Sebastian.
Hindi nasiraan ng loob ang Golden Harvest kahit nalusaw ang lead.

“Isang factor si Alvin, but everybody, noong extension, hindi nag-give up ang mga bata. I guess ‘yun ang bini-build namin ngayon, building character ng Baste,” ani coach Egay Macaraya.

Lumayo ang Valencia-SSCR sa 84-70, pero nagsabwatan sina Mike Ayonayon at Art Aquino para ibalik sa laro ang Marinero, itinabla sa 100 sa pagtatapos ng regulation.

Nag-ambag ng 28 points mula sa 5 for 9 shooting sa labas ng arc si RK Ilagan para sa Valencia-SSCR, inekisan ang unang panalo sa Foundation Group.

Tumapos si Ayonayon ng 23, may 19 si Aquino para sa Skippers.