‘Bulkan ka lang, Pinoy kami’

Dear Abante Tonite,

Maligayang araw sa mga nagbabasa ng Tonite! Nakakatuwa naman na maraming nagbibigay ayuda sa biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal. Nandiyan ang nagbibigay ng pagkain, tubig at mga damit na mula sa iba’t ibang orga­nisasyon at indibiduwa lalo na ang pagbibigay ng mga magsasaka mula sa Benguet ng trak-trak na gulay. Salamat sa pagmamalasakit.

Buhay na buhay ang bayanihan sa ating mga Pilipino. Tulad na lamang ang nakita ko sa FB na ang isang lalaki ay kusang binubugahan niya ng tubig sa pamamagitan ng kanyang watersprayer ang windshield ng mga sasakyan na lumilikas sa Taal para matanggal ang ashfall. May namigay din ng kape at face mask.

At ang nakakatuwa ay may mga taong nagliligtas at nagpapakain sa mga hayop na biktima din ng pagsabog.

Nakaka-good vibes din ang pagpapakita ng katuwaan ng mga evacuees dahil sa kanilang pagrampa ng damit ng donasyon sa kanila na nagpapakita sa ugali ng mga Pilipino na kahit anong problema pa ang dumating ay makukuha pa ring tumawa at magpatawa. Parang ang sinasabi ng ating kababayan ay “Bulkan ka lang, Pinoy kami!”

Bega Pors ng Tondo