Bulkan namamaga

Malaki na ang ipi­nagbago sa dating magandang tanawin sa Bulkang Taal dahil ito ay magang-maga na at halos lumulubog na ang isang bahagi ng isla nito.

Ayon sa inihayag ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Undersecretary Renato Solidum, sa huling pagmomonitor ay nakitang magang-maga na ang bulkan habang ang bahagi ng hilagang silangang isla ay nakatagilid at nakalubog na.

Aniya, mistulang naitulak ang isla habang umaakyat ang pa­nibagong magma, at ang gilid ng Taal Lake na nasa bandang timog na nakaumbok ay nagkakaroon na ng mga bitak.

“‘Yung island medyo tumagilid nang kaunti habang itinutulak, lubog ‘yung ibang portions ng northeastern, malapit na po sa tubig, baka ‘yung bahay mismo nasa tubig na,” pahayag ni Solidum sa isang press conference.

Hanggang sa nga­yon ay nananatili pa rin sa Alert Level 4 ang Taal Volcano dahil sa patuloy na paglalabas nito ng sulfur dioxide at patuloy na pagyanig. (Dolly Cabreza)