Bulkang Taal, 8 beses nagparamdam

WALONG volcanic earthquakes at paglabas ng usok ang muling naitala sa loob ng 24-oras sa Taal Volcano.

Ang naitalang lindol ay resulta ng paggalaw ng mga bato sa loob at paligid ng bulkan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa Phivolcs, ang steaming o paglabas ng usok ay nakita sa main crater at fissure vents sa kahabaan ng Daang Kastila trail.

Sa ngayon ay umiiral pa rin ang Alert Level 1 sa Taal kung saan nakataas pa rin ang babala laban sa posibleng phreatic explosions, minor ash fall at mga volcanic earthquakes.

Sa ngayon ay patuloy na mino-monitor ng Phivolcs ang aktibidad ng Taal Volcano dahil nanatiling abnormal ang aktibidad nito.

Mahigpit ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Permanent Danger Zone gayundin sa Daang Kastila fissure.

Inaabisuhan din ng Phivolcs ang mga Local Government Units na patuloy na i-assess sa mga damages ang mga kalsada at palagiang nakahanda ang kanilang contingency at communications measures.

“People are also advised to observe precautions due to ground displacement across fissures, possible ashfall and minor earthquakes,” paalala ng Phivolcs.

Una nang sinabi ng Phivolcs na kung maoobserbahang tataas ang aktibidad ng Taal Volcano ay agad na itataas ang alert level nito.

Sa ngayon ay pinapayuhan lamang ang mga residente na maging alerto. (Tina Mendoza)