Sumalo sa liderato ang National University Bulldogs matapos sakmalin ang Ateneo Blue Eagles, 70-60, kahapon sa Season LXXIX ng UAAP men’s basketball tournament sa Smart-Araneta Coliseum.
Ipinakita ng Bulldogs ang tibay ng pangil habang sinasabayan sila ng Blue Eagles sa first half na natapos sa tabla ang iskor sa bawat quarter.
Pero bumangis ang National University sa third period at nakahulagpos para makuha ang abante 52-41 papasok ng fourth.
Nagrehistro si Rev Diputado ng 16 points, seven rebounds at three assists para isalo ang NU sa De La Salle Green Archers sa liderato tangan ang malinis na tigalawang panalo.
Bumakas si Matt Salem ng 12 points at eight rebounds, nagtala si Alfred Aroga ng 11 points, six rebounds at two blocks sa Bulldogs.
Nalaglag sa 1-1 card ang Blue Eagles, tanging nakaiskor ng double figures si Mike Nieto na may 14.
Sa unang laro, inararo ng defending champion Far Eastern University Tamaraws ang Adamson University Soaring Falcons, 75-65, para suwagin ang 1-1 baraha.
Bumira sina ex-Falcons Axel Iñigo at Richard Escoto ng tig-13 points para maiwas ang Tamaraws sa dalawang sunod na talo matapos ang opening defeat sa title favorite DLSU.