Sumiksik sa four-way tie sa second spot ang defending champion Far Eastern University at Natio­nal U matapos kumana ng magkahiwalay na panalo kahapon sa Season LXXIX ng UAAP men’s basketball tournament sa Smart-Araneta Coliseum.

Nilapa ng Bulldogs ang host University of Sto. Tomas Growling Tigers 75-68, habang pahirapan na sinuwag ng Tamaraws ang UP Fighting Maroons 51-49 sa unang laro.

Hawak ng NU at FEU ang parehong 3-2 records kasalo sa No. 2 ang Adamson Soaring Falcons at Ateneo Blue Eagles. Solo sa top spot ang De La Salle University Green Archers sa 5-0 card.

Matapos mabokya sa opensa si J-Jay Alejandro kontra Adamson noong Miyerkules, tumikada ito ng 16 puntos at kumana si Matt Salem ng 14 points at 10 rebounds para kalsuhan ang two-game skid ng Bulldogs.

Nakaipon ng 25-point lead ang NU pero bumaba sa single digits matapos umiskor ng anim na puntos lang sa fourth frame.

Ayon kay NU head coach Eric Altamirano, nawala ‘yung pagiging agresibo nila at magiging aral sa kanila ang nangyari.

Tumikada si birthday boy Louie Vigil ng 17 points para sa Tigers na nalasap ang pangatlong talo sa limang salang.

Sina Monbert Arong at Prince Orizu ang bumida sa home stretch ng laro para itulak sa panalo ang FEU.

Bumira si Arong ng turn around jumper 14.6 seconds na lang sa orasan para sa 50-47 bentahe ng Tams habang dalawang crucial blocks ang kinana ni Orizu.

Nagtala si Arong 14 points, may 15 rebounds si Orizu.