Bully Bertiz tiklop sa mga batikos sa pag-abuso sa ID

Humingi ng paumanhin si ACTS-OFW Party-list Rep. Aniceto Bertiz III sa inasta nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Sabado, Setyembre 29, na naging viral sa social media, kahapon.

“I offer no excuse. I am sincerely sorry for my actions,” pahayag ni Bertiz kahapon.

Samantala, ipinaliwanag ng chief of staff ni Bertiz na si Jun Aguilar na bago dumaan sa security check ang congressman ay isang grupo ng Chinese-looking passengers ang ineskortan ng tauhan ng paliparan at hindi dumaan sa security protocols gaya ng ginagawa ng lahat ng pasahero.

“The congressman questioned the security checker why those who went before him just casually walked through and were not properly searched,” sabi ni Aguilar.

Nagreklamo na rin ang kampo ni Bertiz kay MIAA General Manager Ed Monreal sa walang pakundangang paggamit ng airport CCTV surveillance video matapos i-upload sa Facebook ang insidente at naging viral sa social media kahapon.

Nanindigan ang kongresista na i-edit ang video at hindi ipinakita ang ginawa niyang pagsita sa security personnel dahil sa paglusot ng Chinese-looking passengers sa security check.
Hindi naman bumenta kay Senador JV Ejercito ang paliwanag ni Bertiz.

“Palusot pa more! Kitang kita sa video Mr. Congressman kahit walang audio kung paano ka umasta! Hindi lisensiya para magmalaki ang may suot kang pin ng Kongreso dapat nga mas maingat sa publiko kapag suot mo yan!” tweet ni Ejercito nitong Linggo nang gabi.

Nauna rito ay tinawag ni Ejercito na ‘kups’ at ‘mayabang’ ang kongresista.

“Humingi siya ng tawad dun sa security personnel,” hirit pa ni Ejercito.

Tatlong video na ni Bertiz ang naging viral sa social media. Una ay ang banta nito sa mga propesyunal na hindi niya bibigyan ng PRC ID ang mga hindi nakakakilala sa isang opisyal ng gobyerno. Panga­lawa ang insidente sa NAIA at pangatlo ang pakikipagtalo nito sa isang lalaki sa Hong Kong.