Nanindigan sina dating Ombudsman Conchita Carpio Morales at ex-Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na nararapat lamang sampahan ng kaso sa International Criminal Court (ICC) si Chinese President Xi Jinping dahil sa pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.
Nagpatawag kahapon ng press conference sina Morales at del Rosario kung saan ay kanilang idinetalye ang kaso at sinagot din ang katanungan ng media hinggil sa isyu.
Iginiit ng dalawang dating opisyal ng gobyerno ang diumano’y sistematikong hakbang ng China na ginagawa nito sa West Philippine Sea na inaagawan ng hanapbuhay ang mga mangingisdang Pilipino dahil sa pagharang sa mga ito habang naglalayag sa karagatan.
Binigyan-diin nina Morales at del Rosario na mayroong hurisdiksyon ang ICC sa isinampa nilang kaso laban kay Xi sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute na siyang lumikha sa ICC.
“Crime against humanity” ang ipinunto nina Morales at del Rosario laban sa mga ginagawang pang-aabuso ng China sa karapatan ng mga Pilipino.
Hindi miyembro ng ICC ang China pero nilinaw ni Morales na hindi naman kinakailangan na miyembro nito ang isang bansa para makasuhan.