Hindi na nakaporma pa ang isang mister nang damputin ito ng mga pulis habang bumabatak ng shabu sa loob ng kanilang bahay makaraang isuplong sa awtoridad ng kanyang anak na babae at kapatid ng una, Linggo nang hapon sa Caloocan City.

Kinilala ni PCOL Noel R. Flores, hepe ng Caloocan Police, ang suspek na si Jhune Rafael, 43, nakatira sa Robis 1, Brgy. 175 ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, alas-kuwatro nang hapon, nakita daw ng anak ng suspek na si Jhubelle at kapatid ng suspek na si Jainee Asuera na nagsa-shabu ito sa loob ng bahay.

Sinaway daw ng mga ito si Jhune subalit hindi ito nakinig at ipinagpatuloy lang ang pagbatak.

Dahil doon, nagpasya na ang mag-tiyahin na tumawag sa Police Community Precinct 5 saka isinumbong ang ginagawa ng suspek. Pagresponde naman ng mga pulis ay huli sa akto na bumabatak ito.

Nakuha kay Jhune ang isang plastic sachet na may lamang shabu, dalawang aluminum foil at dalawang disposable lighter.

Nahaharap ngayon sa kasong Violation of Sec. 11 of R.A. 9165 ang nahuling suspek. (Orlan Linde)