Patay ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo matapos suwagin ang isang pickup na sasakyan sa national highway ng Brgy. San Fernando, Alicia, Isabela.

Sa ulat ng Alica Police, wala pang pagkakakilanlan ang dalawang rider na nasawi na tinatayang nasa edad 40 at 20, mga nakasuot ng t-shirt at short pants habang ang drayber naman ng pick-up ay kinilalang si Elmer Reymund Mabbayad, 50, ng Brgy. Alibagu, Ilagan City.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol ang drayber ng motorsiklo at humampas sa kasalubong na sasakyan na minamaneho ni Mabbayad.

Sa lakas ng tama ng motor, tumilapon ang dalawang biktima saka nabagok sa konkretong semento na dahilan ng pagkamatay nito.

Kalaboso naman si Mabbayad at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.