Nakakaawa naman itong mga Bumbay na nagpapautang ng 5-6 sa barangay Payatas sa Quezon City, dahil hindi lang pala sila pinagtaguan ng ginang na kanilang pinautang ng pera kundi naglipat-bahay pa.

Noong una, ay mahusay daw magbayad itong tawagin natin sa pangalang Aling Mameng, kaya naman kahit magkano ang hiramin na pera sa mga Bumbay ay ibinibigay agad sa kanya.

Natural, tuwang-tuwa naman ang Bumbay dahil kumikita sila ng malaking porsiyento kay Aling Ma­meng, dahil kapag humiram ito ng P10,000 ay P2,000 agad ang interes nito kada ­buwan.

Mamukat-mukat mo, kaya ­naman pala noong una ay magaling magbayad si Aling ­Mameng, ang kanyang sistema ay uutang siya sa isa pang Bumbay at siyang ibabayad sa unang Bumbay din na kanyang inutangan.

May ilang buwan ding nagyaman-yamanan itong si Aling Mameng pero nitong huling buwan, ilang Bumbay na ang ­naghahanap sa kanya pero ang alibi ng kanyang pamilya ay wala ito sa ­bahay at may pinuntahan lang pero nasa loob lang pala ang ginang at pinagtataguan ang naniningil na Indian national.

Lulugo-lugo na umaalis na lang ang mga Bumbay at kinabukasan ay muling magbabalik para maningil pero wala pa ring inaabutang Aling Mameng.

Wala namang magawa ang mga Bumbay at hindi rin naman nila puwedeng kasuhan si Aling Mameng dahil hindi naman sila nagpapapirma kung magkano ang kinukuha sa kanilang pera ng nangungutang sa kanila, at ang tanging pinanghahawakan lang nila ay ‘tiwala.’

Pero nang muling nagbalik ang mga Bumbay sa barangay ay wala na silang Aling Mameng na inabutan, dahil naglipat-bahay na raw ito sa Fairview sa Quezon City. Lalong nanlumo ang mga Bumbay na naniningil kay Aling Mameng dahil naglaho na parang bula ang ­taong kanilang pinautang ng ma­laking halaga.

Kaya daw lumipat ng bahay si Aling Mameng ay dahil na rin sa kahihiyan sa kanyang tsismosang mga kapitbahay, dahil binabalik-balikan na siya ng mga pinagkakautangang Bumbay.

Ang kawawang Bumbay, lumbay na lumbay dahil sila ay natakbuhan na naman.

Dolly ng QC
***

Kung kayo ay may kapitbahay na may kahanga-hanga, nakakatuwa, nakakaasar o kapana-panabik na kuwento na gusto ninyong i-share dito ay sumulat na agad o mag-email sa ‘Kapitbahay mo, i-blind item mo!’ E-mail: kapitbahay.tonite@gmail.com.