Natapos na rin ang 61st Palarong Pambansa 2018 na ginanap noong Abril 15-21 sa Vigan City at sa iba pang bayan ng Ilocos Sur.
May nasaksihang ilang kapalpakan ang TP sa hanay ng tagabalangkas ng isang linggo, taunang kompetisyon ng higit 12,000 sekondarya’t elementaryang estudyante sa kapuluan.
Gaya sa unang araw pa lamang ng mga aksiyon noong Lunes, Abr. 16 tapos ng opening sa araw ng Linggo, sumobra ng isang lap (400 metro) ang gold-silver medalists sa secondary girls’ 3000-meter run.
Kasama, aksiyon ang inyong abang lingkod at ang ilang Manila-based mediamen pa gaya nina Elech Dawa at Lito Oredo na mga napailing na lang tapos nang kamalian ng Department of Education technical officials.
Mahina ang pagkabatengteng para marinig nang naggigitgitan sa gold kaya sumobra ng isang ikot sina Lheslie Delima ng Bicol Region at silver winner Camila Tubiano ng Northern Mindanao. Nagkapulikat tuloy ang namayagpag na si Delima ng Bicol.
Nagkaroon din ng ilan pang problema ang mga officiating official sa track events din ng athletics dahil walang photo finish camera at digital timer o electronic timer. Handtime pa rin ang ginamit ng DepEd na wala nang gumagamit sa isang kompetisyon sa buong mundo liban na lang sa training.
Paalis na sina PP athletics-track assistant team manager Narcisco Dasigan, isa ring marathoner, at chief track umpire Rico Sumastre na kapwa buhat sa NCR. Kaya naging paspasan ang pagkuha ko ng komento sa kanila.
Nagkakaisa nilang tinugon na dapat bumili ng sariling mga nabanggit na gamit ang DepEd para sa kagalingan ng mga susunod na edisyon ng Palaro.
Ayaw ko nang kunan ng reaksyon si DepEd Undersecretary Tonisito Umali, siya ring secretary general ng Palaro. Bago pa mahingan siya ng komento maraming tsetseburetse. At kilala kong madali siyang mapikon.
Undersecretary, sa laking milyones ng badyet para sa taunang Palarong Pambansa, sana makapagpundar din ang Kagawaran ng Edukasyon ng sarili nitong mga gamit. Hindi ang iasa na lang sa Philippine Sports Commisssion na sira na ang electronic timer sa ngayon, at sa Philippine Amateur Track and Field Association na ‘di kayo napahiram ng equipment sa huling minuto.
***
Salamat po kina Deogracias Genito, Jr., Lemuel Valles, Christopher Frusa, John Gregory Jabido, Ronnie Almia, Edwin Gomez, John Dispo, Crispin de Dios, Jr., Roy Solvedilla, Michael Apuhin, Lorelie B. Ramos, Marlyn Erasmo, Cesar Gonzales, Rolando Azue, Jennefer Jalova, Jamilah Gamor, Christopher Fortaleza, Carlito Barit, Raymond Owit at Arnel Gurrobat.
Sila po ang mga nagmando sa 61st Palarong Pambansa 2018 Games, Results & Documentation Commitee.