Sa riles ng tren nabaril at napatay ng isang tauhan ng Manila Police District-Police Station 4 ang isang hinihinalang pusher na umano’y naninilip sa pintuan ng barung-barong at bigla na lamang nagpa­kawala ng putok, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang nakilalang si Emmanuel Tarroza, nasa hustong edad at taga-1588 Algeciras St., Sampaloc, Maynila dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Rodel Benitez, ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:10 ng gabi sa bahay ng suspek malapit sa riles ng tren sa nabanggit na lugar.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga elemento ng MPD-PS 4 kaugnay sa laganap na bentahan ng ipinagbaba­wal na droga sa lugar at ang umano’y nagaganap na pot session.

Sanhi nito, nagtungo sa lugar ang mga pulis sa pamumuno ni SPO4 Ramon Relator para beripikahin ang sumbong.

Nagawa umanong makalapit sa bahay ng suspek si PO1 Diomar Landoy at nakasilip sa pintuan na natatakpan lamang ng kulay berdeng kurtina.

Nakahalata umano ang suspek sa pagdating ng mga pulis kaya agad itong nagpaputok ng kanyang .38 baril at nagtangkang tumakas, hindi tinamaan si Landoy kaya gumanti ng putok ang pulis na naging dahilan ng kamatayan ng suspek.

Nakuha sa suspek ang baril na may kargang apat na bala at isang basyo, apat na sachet ng shabu.