BUNTIS 11 ULIT SINAKSAK, BUHAY PA RIN

Himalang nakaligtas ang walong buwan buntis na ginang nang 11 ulit na saksakin ng dalawa sa apat­ na magnanakaw matapos manlaban sa mga suspek sa Antipolo City kahapon ng madaling-araw.

Sanhi ng 11 tama ng saksak sa iba’t ibang ba­hagi ng katawan ay patuloy pa rin nilalapatan ng lunas sa Rodriguez Memorial Medical Center ang biktimang si Elizabeth Addatu, 36, walong buwan buntis ng Barangay Cupang, Antipolo City.

Sa isinagawang im­bestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-tres ng madaling-araw nang pasukin ng mga suspek ang bahay sa ikalawang palapag sa Barangay Cupang nang nasabing lungsod.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Antipolo City Police, dalawa sa apat na suspek ang naaresto na nakilalang sina Miguelito ‘Boknoy’ Gonzaga at Yvette Victoriano, kapwa nasa hustong gulang at naninirahan din sa nasabing lungsod.

Habang ang dalawang nakatakas na kasamahan ng mga ito ay nagsilbing look out nang looban ang bahay ng biktima.

Base sa salaysay ng menor-de-edad na anak ng ginang, nagising siya nang marinig nitong nagsisigaw at humihingi ng tulong ang kanyang ina na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay .

Bumangon ito sa kanyang pagkakahiga at nakasalubong nito ang sumaksak sa kanyang ina na may dala pa itong patalim at nagpambuno ang mga ito.

“Nakasumbrero po siya at pilit kong tinanggal ito upang makilala ko siya” wika ng 14-anyos na anak ng biktima.

Pahayag pa ng ginang sa mga salarin na “Kunin mo na lahat ng gusto mong kunin ‘wag mo lang saktan ang mga anak ko!”

At dito na siya pinagsasaksak gamit ang kut­silyo at ice pick na armas ng mga suspek. Swerteng hindi naman sinaktan ang binatilyong anak ng ginang.

Nabatid na ginagawa pa ang bahay ng biktima kaya nagsilbing lusutan ang kanilang ikalawang palapag ng bahay at doon nag-over ‘da bakod ang dalawang suspek.

Base pa sa rekord ng pulisya halos kalalaya lamang umano ni Gonzaga sa kulungan dahil sa kasong pagnanakaw.

Patuloy naman nagsasagawa ng masusing im­bestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente habang nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang dalawang nadakip na suspek.