Inginuso ang isang walong buwang buntis na umano ay malaking supplier ng shabu sa Caloocan City dahilan upang maaresto ito ng mga tauhan ng Northern Police District-Drug Enforcement Unit (NPD-DEU) sa lalawigan ng Biñan, Laguna kamakalawa ng gabi.
Ang pagkakasukol sa big time suspek na si Rohanie Magdara, 30-anyos, walong buwang buntis sa kanyang bahay sa Block 8, Famille International, Barangay Dela Paz, Biñan, Laguna ay kasunod ng pagkakaaresto ng umano’y mga parokyano niya sa Caloocan kamakalawa ng hapon.
Nakuha sa pangangalaga ni Magdara ang nasa mahigit 900 gramo ng shabu na tinatayang may street value na P3 milyon.
Ayon kay NPD Director Chief Supt. Roberto Fajardo ay alas-11:00 ng gabi nang maaresto ang suspek sa pakikipagtulungan ng lokal na pulisya ng Laguna.
Naaresto ang buntis na noon ay magde-deliver sana ng shabu sa kanyang mga parokyano na nakalagay pa umano ang mga pangalan sa mga pakete ng shabu na lahat ay taga-Caloocan City.
Nauna dito, alas-5:30 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng DEU sa Julian Felipe Street, Barangay 8 ng nasabing lungsod laban sa isa pang suspek na si Julius Garcia na residente naman ng Adante Street, Barangay Tanong, Malabon.
Sa interogasyon ay napaamin si Garcia sa pagkakakilanlan ng kanyang supplier na si Magdara dahilan upang agad na magsagawa ng follow-up operation na nauwi sa pagkakaaresto sa buntis.