Buong Manila police nagpa-drug test, medical

abante-tnt-vismin-drug-test

Isinailalim sa medical at drug test ang lahat ng miyembro ng Manila Police District (MPD) kasunod ng pagkakatalaga kay dating Davao Police Chief PSSupt. Vicente Danao Jr.

Una nang iniutos ni NCRPO Director PCSupt. Guillermo Eleazar, ang pagsasailalim sa drug test ng mga pulis-Maynila matapos ang pagkakaaresto kay PO1 Redentor Bautista, nakatalaga sa MPD-PS1,sa loob ng isang bar sa BGC sa Taguig City matapos makitang sumisinghot ng cocaine.

Dakong alas-nuwebe nang umaga nang isagawa ang medical at drug test sa MPD headquarters.

Kasabay nito, binalaan naman ni Danao ang mga police scalawag na nahuhuli sa kanilang iligal na gawain na papanagutin sa batas.

Tiniyak ni Danao na may pagkakalag­yan ang mga pulis na mapapatunayan na gumagamit ng iligal na droga.

Aniya, dapat tuparin ang kahulugan ng MPD, na “Magalang at Mapagkakatiwalaan, Protektor ng mga Inaapi at Ordinaryong Mamamayan, Disiplinado at Dedikado sa Sinumpaang Tungkulin.”

Nalaman na inilipat naman bilang director ng Northern Police District (NPD) si PSSupt. Rolando Anduyan.