Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of calamity ang buong Pilipinas dahil sa patuloy na pagkalat ng bagsik ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Sa inilabas na Proclamation No. 929 na nilagdaan ng Pangulo nitong Marso 16, 2020, ang state of calamity ay tatagal ng anim na buwan para mailatag ang mga aksiyon upang maalis ang banta ng COVID-19.
Batay na rin ito sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa ilalim ng deklarasyon, gagamitin ng national government at mga local government unit ang kanilang pondo, kasama na ang quick response fund para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, at maipagpatuloy ang paghahatid ng serbisyo sa mga apektadong lugar.
“All government agencies and LGUs are enjoined to render full assistance to and cooperation with each other and mobilize the necessary resources to undertake critical, urgent, and appropriate disaster response aid and measures in a timely manner to curtail and eliminate the threat of COVID-19,” nakasaad sa proklamasyon.
Inaatasan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para ipatupad ang peace and order sa mga lugar na apektado ng COVID-19. Inatasan din sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Health Secretary Francisco Duque III at iba pang pinuno ng mga kagawaran na maglabas ng mga panuntunan kasabay ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon. (Aileen Taliping)