Kumayod nang todo si graduating big man Raymar ‘Toto’ Jose para pasanin ang No. 3 Far Eastern University sa ga-buhok na 62-61 panalo kontra pinapaborang No. 2 Ateneo kahapon sa opener ng kanilang semifinals series sa UAAP Season LXXIX men’s basketball sa Mall of Asia Arena.

Humarabas ng 22 points at 23 rebounds si forward Jose na 7-of-10 sa field para tulungan ang ­defending champion Tamaraws na burahin ang twice-to-beat advantage ng Blue Eagles at makahirit ng rubber match sa Miyerkules.

“Nasa puso ko ayaw ko pang magbakasyon, kahit ano mangyari laban pa rin kami,” saad ni Jose.

Halos dadagitin na ng Blue Eagles ang huling ­finals berth matapos lumamang ng 10 may 7 minutes pa sa fourth period.

Pero naging matatag ang Tamaraws at humarurot ng 21-4 run para maagaw ang manibela 60-55, 11.3 seconds na lang sa orasan.

“Muntik na kaming bumigay, kinausap ko sila at mabuti na lang lumaban ‘yung mga bata,” hayag ni FEU coach Nash Racela.

“Sabi ko magtulungan tayo gusto ko walang selfish sa team,” dagdag ni Jose.

Naging kalmado ang pulso ni Monbert Arong nang isalpak ang mga importanteng free throws sa crucial moments.

Tumapos si Arong ng 13 points, five rebounds at three assists.

Si Aaron Black ang namuno sa opensa ng Ateneo sa nilistang 11 markers, may 10 points si Thirdy ­Ravena.

Naghihintay na sa best-of-three finals ang top seed De La Salle University matapos kalusin sa isang bigwasan lang ang Adamson noong Miyerkules.

Mga iskor:

FEU 62 — Jose 20, Arong 13, Orizu 9, Comboy 8, Dennison 6, Inigo 4, Tuffin 2, Escoto 0, Trinidad 0, Ebona 0, Holmqvist 0, Nunag 0, Bayquin 0, Denila 0

ATENEO 61 — Black 11, Ravena 10, Asistio 9, Go 8, Verano 7, Ikeh 5, Nieto Mi 4, Nieto Ma 3, Wong 2, Porter 2, Tolentino 0

Quarterscore: 10-10, 23-20, 35-42, 62-61