Burarang Pinoy namulat sa virus

Naging wake-up call o nagpamulat sa mga burarang Pinoy ang coronavirus (COVID-19), ayon ito kay Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera.

Naniniwala ang lady solon na ang pag-atake ng COVID-19 ay naging daan para mamulat ang mga Pinoy ukol sa kahalagahan ng kalinisan partikular ang panatilihin at laging paghuhugas ng kamay at personal hygiene.

Hindi umano mapagkakaila na ang mga Pinoy ay hindi pinapahalagahan ang kalinisan o personal hygiene bukod sa karamihan ay binabalewala ‘pag may nararamdaman at pumapasok pa rin sa trabaho kahit may sakit.

Maging mga estudyante, kahit may sakit ay pumapasok pa rin at hindi alintana na maaaring makahawa.

Ayon sa kongresista, sa COVID-19 ay tila namulat at nagising ang mga Pinoy ukol sa kahalagahan ng kalinisan at pananatili sa bahay kapag may sakit.

“I believe this COVID-19 debacle has become a wake-up call to Filipinos that they should always practice proper hand washing, personal hygiene, and stay at home when they are sick,” ayon kay Herrera.

Bukod dito, nagiging mapagmasid na ang lahat at agad nang nagpapatingin sa doktor kapag may naramdaman taliwalas sa ugali ng marami na nagpapatingin lamang kapag malala na ang kondisyon.

Dahil dito, dagdag ng solon, ang COVID-19 ay nagbigay rin ng malaking tulong at positibong pagbabago sa ugali ng mga Pinoy pagdating sa ­kalinisan. (Eralyn Prado)