Sasagutin ng provincial government ng Bulacan ang lahat ng gastusin sa burol hanggang sa pagpapalibing ng limang magpapamil­ya na nasawi sa pagbagsak ng isang eroplano sa kanilang bahay sa Plaridel, Bulacan noong Sabado ng tanghali.

At dahil nagiba ang buong kabahayan, gagawin sa chapel ng Barangay Lumang Bayan ang lamay sa mag-iinang sina Rissa Santos-dela Rosa, kasama ang tatlong anak nitong sina John John, 17; Timothy, 11; at Trisha, 7, gayundin ang nanay nitong si Luisa Santos, 75-anyos.

Ayon kay Felicisima Mungcal, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, nakikipag-ugnayan na rin sila sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno kaugnay ng nasabing trahedya.

“The staff of the Provincial Social Welfare and Development Office go back to the crashed area and give stress debriefing to all the affected residents of the village,” sabi pa nito.

Nakaligtas naman sa insidente ang asawang si Noel dela Rosa at 2 pang anak nito na wala sa bahay nang bumagsak ang eroplano.

Namatay din ang limang sakay ng Piper PA-23 Apache aircraft na sina Capt. Ruel Meloria, pilot at chief mechanic na si Romeo Huenda, at mga pasaherong sina Alicia Necesario, Maria Vera Pagaduan at Nelson Melgar.

Samantala, nasu­gatan sa insidente sina Virginia Marquez, 60-anyos, at Santino Yuri Salinas, 10-an­yos, na noo’y malapit sa bahay ng mga Dela Rosa nang mangyari ang pagbagsak ng eroplano. Mabilis silang dinala sa La Consolacion University General Hospital sa Poblacion, Plaridel para sa agarang lunas.

Kaugnay nito, maa­aring tumagal pa umano ng isang buwan ang masusing imbestigasyon sa pagbagsak ng eroplano upang makumpirma kung human error o mechanical trouble ang sanhi ng pagbulusok nito sa residential area sa ­Purok 3, Barangay Lumang Bayan, Plaridel, Bulacan kamakalawa.

Patuloy ang pagsisiyasat ng Aircraft Accident Investigation Division ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa lugar na binagsakan ng 6-seater light plane na ino-ope­rate ng Lite Air Express halos 50 metro lamang ang layo sa Plaridel Airport.