Burol sa kalye iba-ban

Hindi lang mga sasakyan, pedicab, tricycle, at mga tindahan na lumalagpas sa kalsada ang ipagbabawal, kundi ang mga pagbuburol ng mga patay lalo na sa Metro Manila upang maresolbahan ang problema sa trapiko.

Ito ang nais na mangyari ni Surigao del Norte Rep. Robert ‘Ace’ Barbers sa kanyang inihaing House Bill 2561 na isa sa mga tinitingnang solusyon sa pagpapaluwag ng trapiko sa Metro Manila.

“Walang karapatan ang sinuman na gamitin ang kalsada sa kanilang personal na interest.

Ginawa ang kalsada gamit ang taxpayers money kaya lahat ng mga tao ay dapat gumagamit niyan at hindi lang ng isa o tatlong tao lang,” ayon sa mambabatas.

Sinuman umano ang lalabag dito ay pagmumultahin ng hanggang P10,000 bukod sa multa sa mga sasakyang mai-impound upang mapilitan ang mga may-ari na maghanap ng parking para hindi makaabala ng ibang tao.