Nasawi ang isang 68-anyos na lolo habang 14 na iba pa ang malubhang nasugatan makaraang bumangga ang isang pampasaherong bus kahapon ng madaling-araw sa bayan ng Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang nasawing si Milandro Nieva, residente ng Virac, Catanduanes habang patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang 14 pang sakay ng bus na nagtamo ng mga sugat at bali sa katawan dulot ng aksidente.

Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang drayber ng Antonina Bus na nakilalang si Ernesto Canares, 59, na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple physical injuries.

Ayon sa ulat, naganap ang aksidente dakong alas-dos ng madaling-araw sa kahabaan ng Brgy. Tambo matapos mag-overtake ang bus at sumabit sa malaking sanga dahilan upang mawalan nang kontrol sa manibela ang driver at sumalpok sa isang nakaparadang van.