Bus, delivery truck bawal muna sa Skyway

Ipagbabawal muna ang pagdaan ng mga bus at delivery van sa southbound lane ng Skyway simula Pebrero 16.

Ayon sa San Miguel Corporation (SMC), tanging mga class 1 vehicle katulad ng kotse, sport utility vehicle, van, pick-up at iba pang private vehicle type ang papayagang dumaan sa Skyway habang ang mga bus at delivery van ay sa baba muna dadaan o sa at-grade section.

Sabi ng SMC, ito ay para gawing mas maayos ang daloy ng mga sasakyan sa Skyway habang ginagawa nito P10 bilyong extension project nito.

Sa bagong sistemang ipatutupad, ang mga bus at delivery van na galing
sa Makati, Maynila at Pasay papuntang Alabang ay kailangang dumaan sa Nichols southbound entry toll plaza patungo sa at-grade Skyway.

Ang mga bus at delivery van na galing NAIA Expressway at patungong Alabang ay kailangang dumaan sa Andrews Avenue papuntang Sales Road at Nichols southbound entry toll plaza.

Habang ang mga bus at delivery van na galing NAIA Expressway ay maaaring dumaan sa Magallanes northbound off-ramp, mag-U turn sa ilalim ng Magallanes interchange at tumuloy sa Nichols southbound entry toll plaza.

Isasara rin ng Skyway ang pangatlong southbound lane sa at-grade section mula Sucat hanggang Filinvest sa Pebrero 16 pati na ang southbound na papuntang Alabang at Bunye South Station. Isasara rin ang bahagi ng northbound West Service road at ang Hillsborough off-ramp mula sa Skyway papuntang at-grade Skyway.

Isasara ang mga naturang kalsada para bigyang-daan ang paghuhukay para sa magiging haligi ng Skyway sa lugar na inaasahang matatapos sa Marso 30.
Sabi ni SMC president Ramon S. Ang, muli nilang hinihingi ang suporta ng mga motorista at mahalagang sundin ang mga bagong traffic scheme para maging maayos ang daloy ng trapiko. (Eileen Mencias)