Puntirya ng Arellano University Chiefs na makabalik sa Final Four sa 92nd NCAA senior men’s basketball tournament, sa kanilang huling laro nahablot nila ang pang-12 panalo sa 15 na laro sapat para matupad ang asam.
“Sobrang saya ko lang kasi nakabalik na kami sa Final Four,” masayang sabi ni playmaker Jio Jalalon na muling sinandalan ng Chiefs.
Nasaksihan nang live ng pamilya ni Jalalon ang kanyang kabayanihan nang itaguyod ang Chiefs sa huling laro.
Inako ng “The Bus Driver” ang responsibilidad sa stretch nang itarak ang 15 sa kanyang season-high 33 markers sa fourth canto at patalsikin ang Lyceum Pirates, 78-75, noong Martes.
Sumapat ang ipinakitang tikas ni Jalalon para tanghaling ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.
“Ganadong-ganado ako kasi first time lang nila makapanood nang live this season. Gusto ko rin talaga magpakitang gilas para sa family ko,” wika ni Jalalon na nag-average ng 27.5 points, 10.0 rebounds at 5.0 assists sa huling dalawang laro ng Chiefs.