ZAMBOANGA CITY — Pinaghahanap ng pulisya kahapon ang limang armado na nasa likod ng isang bus robbery sa kahabaan ng highway sa bayan ng Siay sa Zamboanga del Sur sa Mindanao.

Ayon sa pulisya, nabaril ng isang sundalong nakasibilyan ang isang armado habang papatakas ito ngunit na-rescue naman ng mga kasamahan. Sa leeg umano ang tama ng salarin ng ito’y mahagip ni Corporal Rogelio Baman.

Nakatakas ang mga armado sakay ng dalawang motorsiklo matapos na malimas ang salapi at alahas ng mga pasahero ng Rural Transit sa Barangay Mirangan. Nabatid na dalawa sa mga ito ay nagpanggap na pasahero at inanunsyo ang holdap.

Tatlong lalaki pa na pawang armado na nakasunod sa bus ang nangulekta ng salapi sa mga pasahero.