Bus nagliyab sa EDSA Shaw tunnel

Bumigat ang daloy ng trapiko sa Edsa nang bigla na lamang lumiyab ang isang pampasaherong bus sa Shaw Blvd sa kasagsagan ng rush hour.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naganap ang insidente alas-6:10 ng gabi nang bigla na lamang umapoy ang bus pa-north bound sa EDSA Shaw tunnel.

Inabot ng mahigit 1-oras bago tuluyang naapula ang apoy dahil na-traffic at bahagyang natagalan sa pagresponde ang bumbero.

Sa pahayag ni MMDA spokesperson Celine Pialago ay naglakad na lamang ang ilang bumbero para agad na maapula ang sunog.

Dulot ng insidente ay umabot ang trapik hanggang sa Magallanes. Alas-7:20 ng gabi nang tuluyan itong maapula.

Ayon sa Bureau of Fire and Protection, ang nagliyab na bus na may rutang Malinta-Alabang ay pag-aari ng Valenzuela Transport Cooperative Services (VTSC).

Dagdag pa ng BFP, mabilis na nakababa ang mga pasahero dahil sa likod nagsimula ang sunog.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng pagliyab ng nasabing bus.