Nasawi ang isang driver habang pitong pasahero ang sugatan kasama ang isang taong gulang na bata matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa Libmanan, Camarines Sur kahapon.
Nabatid sa ulat na nangyari ang aksidente habang binabaybay ng Silver Star Bus na minamaneho ni Rogelio Joven, Jr. ang kahabaan ng Maharkila Highway sa Brgy. Tinaquihan sa nasabing bayan nang biglang lumiyab ang bus dahilan upang mataranta ang driver ng bus at inatake sa puso.
Dala ng atake ay nawalan ng kontrol ang minamaneho nitong sasakyan at tuluyang nahulog sa bangin na may lalim na anim na metro.
Sugatan ang mga pasahero ng bus kasama ang paslit na maagap namang naisugod sa pinakamalapit na ospital pero idineklarang dead-on-arrival ang driver.
Sinasabing nagkaroon ng problema sa makina ang bus kaya nangyari ang pagsiklab.