Bagamat matinding tensyon ang nilikha ay kinumpirmang ligtas na ang kalagayan ng 20 pasahero ng isang bus na nagliyab matapos sumalpok sa isang motorsiklo kahapon ng madaling-araw sa Tuguegarao City.

Sa salaysay ni Walter Paule, 44, residente ng Gattaran, at driver ng bus, kasalubong nila ang motorsiklo nang bumangga sa isang karitela sa gilid ng daan bago sumalpok at pumailalim sa bus dahilan upang magliyab ito bunga ng tumagas na gasolina.

Sa maagap na pagkilos ay nakababa naman agad mula sa bus ang mga pasahero nang hindi naman nasaktan.

Gayunman, ang driver ng motorsiklo na inaalam ang pagkakakilanlan ay patuloy na inoobserbahan sa pagamutan.