Sugatan ang 19 katao nang magsalpukan ang isang pampasaherong bus at dump truck na nagresulta sa pagkahulog sa isang taniman kamakalawa ng gabi sa Butuan City.

Agad namang naaresto ang driver ng dump truck na si Ritchie Cervo, 34, ng Brgy. Mat-i, Las Nieves, Agusan Del Norte matapos ang insidente.

Sa ulat ni SPO1 Andy Busa ng Butuan City Polic­e Station 1, bandang alas-6:15 ng gabi, binabagtas ng bus na minamaneho ni Augusto Dequineo, 32, ng Sison­, Surigao del Norte, galing sa Surigao City, ang National highway sa Purok-16, Brgy. Mahay, habang nakasunod naman ang dump truck na puno ng graba.

Bigla namang huminto ang bus dahil may bababang pasahero subalit hindi ito namalayan ng driver­ ng kasunod na dump truck kaya hindi na nakaiwas at sumalpok sa bus.

Sa lakas ng tama, sumemplang ang bus at nagtuloy-tuloy sa palayan habang dumeretso rin ang truck na nawalan na ng kontrol at tumuloy din sa palayan.

Agad namang naisugod sa ospital ang mga suga­tang pasahero at driver.