Nagsalpukan ang isang bus at van na nagresulta sa pagkasawi ng lima katao at pagkasugat ng 15 pa kahapon ng madaling-araw sa Barangay Aguso, Tarlac City.

Sa report ni Supt. Bayani Razalan, hepe ng Tarlac City Police, alas-kwatro ng madaling-araw nang sumalpok ang bus sa kasalubong na van.

Sa lakas ng pagkakabangga, nagkayupi-yupi ang unahang bahagi ng van na dahilan ng pagkasawi ng limang sakay nito at nasugatan ang 15 pang sakay ng bus na ginagamot na sa Tarlac Provincial Hospital.

Kinilala ang mga nasawing sina Jemor Bueno, driver ng van, mga sakay na sina Teresita at Silvestre Basagre, Lolita Marzan at Andrea Dural.

Napag-alaman na galing sa Bicol ang van at pa­punta sana sa La Union samantalang pa-Cubao, Quezon City naman ang Santrans Bus.