Business as usual ang Senado kahit naka-break ang sesyon

Ayon kay Senate Majority Leader Migz Zubiri, kahit walang sesyon, tuloy-tuloy ang mga committee hea­ring lalo na ang pagta­lakay sa mga budget ng iba’t ibang government agencies.

Target kasi ng Senado na kapag nag-resume na ang sesyon sa November, maisasalang na sa plenary debates ang 2020 proposed national budget.

Iniiwasan kasi ng Senado na magkaroon na naman ng reenacted budget sa susunod na taon para hindi maapektuhan ang mga prog­rama ng gobyerno sa susunod na taon.

Ibig sabihin din, puwedeng magpatuloy ang mga mala-teleseryeng imbestigasyon ng Senado sa mga kontrobersiya sa Bureau of Corrections na nauwi na sa isyu ng ninja cops.

Ayon kay Senator Richard Gordon, chairman ng Senate Committees on Justice at Blue Ribbon, baka this week mailabas na ang committee report.

Pitong hearing na ang naisagawa ng Senado kaya sabi ni Gordon, sapat na ang mga nakalap nilang impormasyon at mga ebidensiya para makapagbigay ng mga rekomendasyon.

Handa ring imbestigahan ng Senado ang sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na da­lawang heneral umano ang sangkot sa illegal drug trade pero kung may sapat na ebidensiya at impormasyon na ang Pangulo, dapat lang na ito’y isapubliko na.

Panawagan naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, mag-early retirement na si PNP Chief General Oscar Albayalde at huwag nang hintayin pa ang November.

Habang nakakaladkad kasi ang pangalan ni Albayalde sa isyu ng ninja cops, lalong nababahiran hindi lang ang imahe ng pambansang pulisya kundi ang mas pinalakas na war on drugs ng Duterte administration.