Business ni Victolero luminya sa PPE

May sportswear business si Chito Victolero sa kanilang bayan sa Sta. Maria, Bulacan, pero tigil muna ang produksiyon ngayong may crisis pa hatid ng coronavirus disease 2019.

Habang quarantine pa ang buong Luzon, luminya muna ang negosyo ng PBA coach sa Magnolia sa paggawa naman ng personal protective equipment at mask.

“Sa family business namin, it’s our small way of helping out,” ani Victolero. “Tigil lahat ng negosyo ngayon kaya oras nang tumulong sa taong bayan na naghihirap. Hangga’t kaya namin makatulong, tutulong kami.”

Idino-donate nila ang PPEs sa mga frontliner, medical personnel at kahit mga kapitbahay.

“Namimigay din kami ng PPEs sa mga kapitbahay, kaibigan at community,” dagdag ng Hotshots tactician.

Ilan sa mga suki ng apparel nina Victolero ang Magnolia, San Miguel Beer, TNT, Alaska, La Salle, FEU, Mapua, San Sebastian, JRU, Arellano, Marinerong Pilipino at iba pa.

Kina Victolero at sa LGR nagpapagawa ang PBA ng PPEs na dino-donate sa mga sumasagupa sa COVID-19 pandemic.

“May bago pa kaming order kay Chito for our second wave,” wika PBA ni commissioner Willie Marcial.

Naglaan ng P1M initial fund ang PBA Board para sa PPEs na dino-donate sa mga ospital. (Vladi Eduarte)