Dalawang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang babaeng barangay kagawad matapos itong barilin ng isa sa riding-in-tandem na mga suspek habang abala sa pagti-text Martes ng hapon sa Surigao City, Surigao Del Norte.

Dead on-the-spot ang biktimang si Lanie Escalante Tereso, 62, kagawad ng Brgy. Balibayon matapos itong magtamo ng dalawang bala sa ulo mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa ulat ni CARAGA Police Director Police Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr., naganap ang pangyayari alas-3:21 ng hapon sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, nakaupo ang biktima sa harapan ng Eviota Store habang abala sa pagti-text nang dumating sa lugar ang riding-in-tandem na mga suspek na pumarada, may anim na metro ang layo sa biktima.

Armado ng hindi pa natukoy na kalibre ng baril, pinaputukan ng isa sa mga suspek ng dalawang beses ang biktima na nasapul sa ulo na siya niyang agarang ikinamatay.

Pagdaka’y mabilis nang tumakas ang mga suspek sakay ng itim at puting XRM na motorsiklo.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek. (Edwin Balasa)