Sa tabi mismo ng kanyang apat na taong gulang na anak pinagbabaril habang busy na nagti-text ang isang ginang, kahapon ng hapon sa Tondo,­ Maynila.

Kinilala ni SPO2 Joseph Kabigting, imbestigador ng Manila Police District-homicide section, ang biktima na si Carmelita Flores, 32, may asawa ng 2194 I Delos Reyes St., Batangas na namatay noon din dahil sa tama ng bala sa mukha.

Hindi pa makausap at natulala ang anak ng biktimang si Jonjon, 4 na katabi nito ng pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek.

Naganap umano ang insidente dakong alas-2:15 ng hapon sa loob ng bahay ng biktima, habang nakahiga at nagti-text katabi ang anak.

Isa umano sa mga suspek ang pumasok sa bahay habang isa naman ang nagsilbing look-out.

Tatlong putok ng baril ang narinig at nakita ang mga suspek sa CCTV na tumakas patungong Narra Exit, sa Tondo.

Nabatid na maging ang isa pang 18-anyos na anak na lalaki ng biktima ay tinutukan rin ng baril ng suspek.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung saan isa sa anggulong tinitingnan sa pagpatay ay ang away pamilya.