Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
12:00 noon — Lyceum vs. Arellano (srs)
2:00 p.m. — San Beda vs. JRU (srs)
4:00 p.m. — Perpetual vs. Letran (srs)

Misyon ng Perpetual Help at Arellano University na kalusin ang magkahiwalay na karibal ngayong araw para lumapit sa nangungunang San Beda sa 92nd NCAA men’s basketball tournament.

Magkasalo sa No. 2 ang Altas at Chiefs sa 10-3 records, solo sa unahan ang Red Lions (11-3) na reresbak sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa isa pang laro sa The Arena sa San Juan.

Kaharap ng Arellano ang Lyceum Pirates, toka ng Altas ang defending champion Letran Knights sa main game.

May igaganti rin ang Beda sa JRU, bumigo sa mga taga-Mendiola na maka-nine-game sweep sa first round ng elimination. Kapag nakabawi ang Lions ay sasagpangin nila ang unang tiket sa Final Four.

Butas ang puwersa ng Lions sa loob dahil manonood na lang ng laro si Donald Tankoua na nagkaroon ng ACL (anterior cruciate ligament) injury noong nakaraang buwan.

“We have to step up as a team not just rely on one, two or three pla­yers,” wika ni San Beda coach Jamike Jarin.

Susubukan ng Heavy Bombers na gamitin sina Abdel Poutouochi at AbdulRazak AbdulWahab para mangalabaw sa loob.

“San Beda is still a strong team but we’ll try to take advantage of that hole inside,” ani JRU mentor Vergel Meneses.